Habang ang lahat ng tao ay nasa sementeryo nung November 1, ako ay nasa bahay, ginagawa ang project ng pamangkin kong si Jasper. Sa isang ½ illustration board, idikit daw ang mga myembro ng iyong pamilya at lagyan ng description ang bawat isa. Ang title daw ay ‘Ang Aming Mag-anak’. So ayun, nanghiram ang sina Ate Joi (nanay ni Jasper at kapatid ko) ng digicam at pinicture nila ang mga chikiting dahil pangit daw kung cut-outs lang. Noong una, humingi lang ng advice sa akin kung ano magandang presentation sa project. Nag-comment naman ako diyan, bandang huli, ako pa tuluy pinagawan ni Ate Joi.
Naalala ko tuloy ang nanay ko. Nung maliit ako, siya rin nag-aasikaso ng mga project ko, lalu na kapag kailangan ng artistic presentation at hindi lang simpleng mga report. Biruin mo, ni hindi naman talaga artistic si Mama. Si Ate Joi ang laging naaatasang mag-lettering sa folder ng “Proyekto sa Ganyan” o “Project in Ganito”, gamit yung mga plastic stencils. Syempre, hindi pa uso ang MS Word. At syempre, si Ate Joi din ang mag-tatype using a typewriter.
Grabe, parang kailan lang yun. Ngayon ang mga pamangkin ko na ang may mga kung anu-anong mga project. At ang Ate ko na – bilang isang nanay herself – ang busy sa pag-aasikaso sa mga requirements nga mga kids sa school.
“Ang ganda ng project ko!” sabi ni Jasper sa project niya. Kahit sa akin ang concept, I made sure na siya pa rin ang gagawa sa project niya. Nung bata kasi ako, naiinis ako sa mga kaklase ko na ang gaganda ng mga project, obvious naman na hindi sila ang gumawa. Kaya ayun, si Jasper ang inatasan kong mandikit nung mga art paper sa illustration board. Well, ako na ang nang-gunting ng mga art paper, baka kasi maputulan pa siya ng daliri. Sa sobrang proud niya, pinagalitan pa niya yung bunso nyang kapatid kahit na hinahawakan at tinitingnan lang yung project. Sabi niya, “Hoy Justin! Huwag mong guguluhin ang Mag-anak ko!” =)